Pinusuan ng mga netizens ang kabaitan ng isang lola na naawa sa dalawang batang namamalimos sa kalsada kaya pinakain niya ang mga ito sa isang fastfood.
Kuwento ni cindelleira sa kaniyang Instagram post, hindi maganda ang kaniyang mood nang pumasok sa Jollibee dahil na rin sa gutom, matagal na paghinhintay at kabiguang makapasok sa kaniyang trabaho.
Hindi niya umano akalain na biglang mababago ang kaniyang pakiramdam dahil sa nasaksihan sa loob ng dining area.

“2pm I was in a bad shape kaninang pumunta sa Jollibee dahil sa gutom at matagal na paghihintay plus hindi na nakapasok. Akala ko spicy chicken ang makaka-pawi ng pagka-bad mood ko, pero si lola pala,” ayon sa post ni cindelleira.
Nakita niya kasi ang isang babae na inorderan ng pagkain ang dalawang batang namamalimos sa loob ng Jollibee.
“These two kids came from outside of Jollibee, mga batang namamalimos and I witnessed the kindness ni Lola,” patuloy ng Instagram user na nakunan pa ng video ang nakaaantig na eksena.

“This is what our eyes need today, the goodness of people. Hindi lang si lola kundi ang mga crew sa Jollibee ng San Jose, ang babait nila,” ayon pa sa kaniya.
Natuwa rin si cindelleira sa mga crew na inalalayan pa ang mga bata para maghugas ng kamay at balutin ang natirang pagkain para maiuwi.
“Ang saya sa mata, I feel blessed na isa ako sa mga nakasaksi ng goodness ng isang tao and my heart felt happy at that moment,” wika pa ni cindelleira.
“God bless po sa inyo specially kay Lola, more years to come pa po sana sa inyo,” dagdag pa niya.

Maraming netizens naman ang naantig ang puso sa video na ibinahagi ni cindelleira at sa kabaitan nil ola.
May ilan ding nagbahagi ng kani-kanilang sariling karanasan kung paano nasaksihan ang kabaitan ng ibang tao sa kanilang kapwa.
Sana raw ay ganitong uri ng video ang kanilang napapanood araw-araw na talagang nakatataba ng puso lalo na ngayong magpa-Pasko.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 500,000 ang likes at reactions na natanggap ng video ni cindelleira sa Instagram.
I-click lamang ang imahe sa ibaba upang mapanood ito.
