Sarah Geronimo kaya raw bumalik sa ‘ASAP’ para may kikitain ang mga magulang?

Noong Disyembre 11, muling napanood sa “ASAP Natin ‘To” ng ABS-CBN ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo makalipas ang halos dalawang taon.

Huling nagtanghal si Sarah sa ASAP noong Nobyembre  2020 bago pansamantalang nagpahinga sa showbiz para bigyan ng oras ang kaniyang pagiging maybahay ni Matteo Guidicelli.

Sa pinakahuling episode ng “Showbiz Now Na” ni Cristy Fermin kasama sina Wendell Alvarez at Rommel Chika, isa sa kanilang napag-usapan ang patuloy na paninikis ng mga magulang ni Sarah sa singer-actress.

Sa ASAP kasi ay nabanggit ni Sarah na ang kaniyang Christmas wish ay makasama ang kaniyang mga mahal sa buhay habambuhay.

Ayon kay Nay Cristy, iyon naman talaga ang karaniwang hiling ng mga anak na nawalay nang matagal o itinakwil ng kanilang magulang.

“Wish naman talaga ‘yan ng isang anak na matagal na panahon nang hindi tinatanggap ng magulang. Walang ibang maiisip ang anak kundi ang, ‘Sana intindihin na nila ako’, ganun naman ‘yun eh, ‘di ba,” ani Cristy.

Napag-usapan rin ng tatlo ang tulong na nagawa ni Sarah Geronimo sa kaniyang pamilya.

“Si Sarah Geronimo pa na napakalaki pa ng nagawang tulong sa kaniyang pamilya, bakit naman ganito, di ba? Ang tagal na nito, dalawang taon nang mahigit, di ba?” tanong ng showbiz journalist.

“At may kuwento pa na kaya pala napilitan itong si Sarah Geronimo na mag-ASAP ulit, mayroon palang kasunduan noon na lahat ng kikitain ni Sarah Geronimo sa ABS-CBN mapupunta kina Mommy Divine,” bahagi ni Nay Cristy.

Sundot naman ni Rommel, ito raw ba talaga ang dahilan kaya bumalik si Sarah sa ASAP?

“Natural walang napupunta sa kanila dahil hindi nga nagtatrabaho si Sarah sa Dos, ‘di ba… Yun ‘yung kuwentong talagang pinagpipistahan ngayon,” sagot naman ni Nay Cristy.

Dagdag pa ng beteranang host, nagtataka siya kung paanong ang isang magulang ay may ganung lalim na galit sa isang anak na ‘pinakinabangan’ naman nila.

“Paano kung si Sarah ay isang anak na hindi pinakinabangan, hahanapin pa kaya?” tanong ni Cristy Fermin.

Panoorin ang buong episode ng ‘Showbiz Now Na’:

Post a Comment

Previous Post Next Post