Dalawang rider, parehong nilayasan ang nag-double book na pasahero

Nag-viral sa Facebook ang kuwento ng isang rider tungkol sa ginawa nila sa isang pasahero na diumano’y nag-double book.

Ayon sa post ng Angkas rider na si Mark Rienier Tuaño na kaniyang ibinahagi sa Facebook page na ‘ANGKAS DAMAYAN Rider & Customer’, habang hinihintay ang kaniyang pasahero lumapit ang isang rider ng Joyride.

Nang nagkatanungan ay nadiskubre nilang iisa lang pala ang pangalan ng kanilang kustomer na susunduin.

Noon naman daw ay lumabas na ng bahay ang pasahero at nagulat dahil dalawang rider ang nag-aabang sa kaniya.

“Maam bakit naman po kayo nag double book. Grabe po traffic ngayun at ang layo ng pick up nyo tinawagan ko kayo sabi nyo mag aantay kayo kaya nag madali ako,” sabi niya umano sa customer.

“Maam tinawagan ko din po kayo sabi nyo hintayin nyo ako. Dahil traffic,” ayon naman sa Joyride.

Paliwanag naman daw sa kanila ng pasahero ay nagmamadali siya kaya nag-double book at kung sinuman sa kanila ang mauna ay doon siya sasakay.

Anito, “Sorry mga kuya nagmamadali kc ako kaya kung sino mauna dun ako sasakay.”

Patuloy ni Mark, sinabihan niyang mali ang ginawa ng customer dahil nasayang ang kaniyang oras at nagastusan pa sa gas. Gayunpaman, ipinaubaya niya na lamang sa Joyride ang pasahero at saka umalis.

Subalit nagulat raw siya makalipas ang tatlong minuto dahil kasunod na niya ang Joyride rider na wala namang angkas na pasahero.

“Kinansel ko paps bahala sya mag book ulit. Mahirapan nya mag book. Ok lang nabawas sa gas ntin at least kahit papano nalaman nya mali niya,” tugon nito nang kaniyang tanungin kung ano ang nangyari.

Paliwanag ni Mark sa huling bahagi ng kaniyang post, bagama’t alam nilang mahirap mag-book talaga ngayon, hindi nila ito kasalanan dahil ang app mismo ang may problema.

Sana raw ay isipin rin ng mga kustomer silang mga riders na naapektuhan ng ganitong sitwasyon.

Marami naman ang sumang-ayon sa ginawa ng dalawang riders. Tama lang daw iyon upang maturuan ng leksyon ang mga nagdo-double book na pasahero.

Sa kabila nito, may isang netizen na nagsabing wala namang perpektong hailing app at maaaring nagmamadali talaga ang nasabing kustomer.

Sana raw ay isinakay na lamang ang kustomer at nagpaubaya na lang ang sinumang maginoo sa kanilang dalawa.

Kayo, ano’ng masasabi n’yo sa ganitong pangyayari?

Post a Comment

Previous Post Next Post