Vice Ganda umakyat sa float ni Toni Gonzaga, niyakap ito sa MMFF Parade 2022

Nakita ang Unkabogable Star na si Vice Ganda at Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga na nagyakapan sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 Parade of Stars.

Parehong may kanya-kanyang entry sina Toni at Vice para sa film festival ngayong taon. Si Vice ang bida sa pelikulang Partners In Crime kasama si Ivana Alawi at sa ilalim ito ng Star Cinema. Ito ay sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina.

Ang entry naman ni Toni ay ang My Teacher kasama si Joey de Leon. Ang pelikulang ito ay idinirek ng asawa ni Toni na si Paul Soriano at ito ay nasa ilalim ng kanilang production companies, Ten17P at Tincan Productions.

Isa sa mga tradisyon ng film festival ay ang Parade of Stars na ginanap nitong Disyembre 21. Nagsimula ang parada sa Welcome Rotonda at dumaan sa Quezon Avenue at nagtapos sa Quezon Memorial Circle kung saan ginanap ang isang programa.

Ang mga entry sa pelikula ay may kanya-kanyang float. Kaya naman naging usap-usapan at natuon ang atensyon ng mga tao sa pagbaba ni Vice Ganda mula sa kanilang float at pag-akyat nito sa float ng My Teacher.

Pagkatapos, nagyakapan sa isa’t  isa si Toni at Vice at na makikitang magkausap at nagkumustahan sila.

Tuwang-tuwa raw ang mga tao sa kanilang paligid nang makita ang sandaling iyon sa pagitan ng dalawang bituin.

Sa in-upload na video ng isang netizen sa Twitter  sa handle na warrioretez sinabing na-miss niya ang dalawa, “Ang haba pala ng yakapan nila Vice Ganda at Toni Gonzaga, mag-bestfriend itong dalawa na ito eh nakakamiss din pala vicetin.”

Matatandaan na nagkaroon ng mga intriga mula nang sumuporta sila sa magkaibang kandidato sa pagkapangulo noong eleksyon.

Kinampanya ni Vice ang dating Vice President na si Leni Robredo habang si Toni naman ay campaign host ng Uniteam ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa ganitong scenario na nangyari sa parada, winakasan nina Vice at Toni ang mga tsismis na naapektuhan ng pulitika ang kanilang pagkakaibigan.

Basahin: Panoorin: Teasers ng 8 entries sa MMFF 2022; Parade of Stars

Samantala, lahat ng pelikula sa MMFF 2022 ay ipapalabas sa mga sinehan sa darating na December 25. Umaasa ang mga tao sa show business na ito ay magiging instrumento sa muling pagbuhay sa industriya ng pelikula.

Post a Comment

Previous Post Next Post