Ikaw na ba ang bagong Onyok? ABS-CBN naghahanap ng child stars para sa 'Batang Quiapo'

Naghahanap ngayon ang ABS-CBN ng bagong child stars na pasisikatin para sa kanilang bagong aabangang programa na ‘FPJ’s Batang Quiapo’.

Kapag sinuwerteng makapasa sa audition, posible umanong sumunod sila sa yapak ni Onyok Pineda na nakilala at kinatuwaan ng madla sa nagtapos na Kapamilya teleseryeng ‘FPJ’s Ang Probinsiyano’.

Inanunsiyo ng Dreamscape Entertainment sa kanilang Instagram nitong Lunes, Disyembre 12, na kasalukuyan silang naghahanap ng batang artista.

“Kilala mo ba ang hinahanap namin? Baka siya na ang susunod na child star gaya ni Onyok!” caption ng Instagram post.

“Looking for: Batang lalaki at babae na may edad 5-9 taong gulang na puwedeng maging susunod na child star tulad ni Onyok,” ayon naman sa anunsiyo ng Dreamscape.

Para sa mga interesado, maaari lamang magpadala ng detalye at video material ng bata sa ccmprodaudition@gmail.com para sa initial na screening.

Inaabangan na ngayon ang pagbabalik ni Coco Martin sa primetime television sa pamamagitan ng  ‘Batang Quiapo’, ang pelikula noon ni Daking Fernando Poe Jr. kung saan nakatambal niya si Maricel Soriano taong 1986.

Makatatambal ni Coco dito ang anak ni FPJ na si Lovi Poe habang markado rin ang magiging role ni Charo Santos-Concio bilang lola ng aktor.

Maliban sa tatlo, kasama rin sa cast ng ‘FPJ’s Batang Quiapo’ sina Lito Lapid, Christopher de Leon, John Estrada, Tommy Abuel, Pen Medina, Susan Africa, Cherry Pie Picache, Allan Paule, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, at Mercedes Cabral.

Ang pelikulang ‘Batang Quiapo’ ay kuwento ng isang dating mandurukot na si Baldo (FPJ) na gustong magbagong-buhay matapos makalabas sa kulungan. Nang  bumalik sa Quiapo, nakaengkuwentro niya ang batang mandurukot din na si Maria (Maricel) at doon na nagkrus ang kanilang landas hanggang sa mauwi sa pagiging magkasintahan.

Ang bagong Kapamilya teleserye ay ipoprodyus ng Dreamscape Entertainment at CCM Film Productions. Ito ay ididirehe mismo ni Coco Martin at ni Malu Sevilla, at nakatakdang ipalabas sa 2023.

Post a Comment

Previous Post Next Post