Isang magandang pangyayari ang bumungad sa pamilya ni Ina Raymundo nitong pagpasok pa lamang ng Bagong Taon.
Isinauli kasi ng mabait na taxi driver ang naiwang cellphone ng kaniyang anak na si Jakob kaya labis ang pasasalamat niya rito.
“Maraming salamat, Mike, driver ng RMJJ taxi! My son left his cellphone in his car but he returned it to us,” caption ni Ina sa kaniyang Instagram story nitong Lunes, Enero 2.

Dito ay makikitang ibinahagi ng aktres ang kinuhang selfie kasama ang naturang taxi driver na may ‘ginintuang puso’.
“Nakakatuwa at may mga tao pa talaga na may ginintuang puso. Pinaganda mo ang pagpasok ng 2023 namin. May God bless you always,” dagdag pa ni Ina.
Hindi na ibinahagi pa ng ‘Sabado Nights’ actress ang ibang detalye ng taksi at driver at kung paano naiwan ni Jakob ang kaniyang phone sa sasakyan.

Ang dating sexy actress noong 1990s ay dalawampung taon nang kasal sa kaniyang mister na si Brian Poturnak, isang negosyanteng Ukranian-Canadian.
Sila ay may limang anak na sina Erika Rae, Jakob, Mikaela Jade, Anika Sage and Minka Eve.
Si Jakob, na nag-iisang lalaki sa magkakapatid, ay kakauwi lamang ng Pilipinas bago mag-Pasko. Siya ay kasalukuyang nag-aaral sa Amerika at miyembro ng Muskeeters baseball team ng Xavier University na naglalaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division 1 college baseball.

Samantala, kahit na isang hands-on mommy, nakukuha pa rin ni Ina na lumabas sa mga pelikula at programa sa telebisyon.
Huli siyang napanood noong 2020 sa zombie thriller movie ni Mikhail Red na ‘Block Z’ at teleseryeng ‘2 Good 2 Be True’ ng ABS-CBN.
Si Ina Raymundo ay nakilala at hinangaan ng publiko matapos lumabas sa isang television commercial ng San Miguel Beer na may pamagat na ‘Sabado Nights’.