Sa pagpasok ng taon, hindi nakalimutan ng aktor na si JM de Guzman na alalahanin ang taong patuloy na nagpapakatatag para sa kanya— walang iba kung hindi ang kanyang sarili.

Kalakip ng isang litrato, binalikan ni JM sa caption ang mga pinagdaanan niya sa buhay na talaga namang sumubok sa kanya sa mga nakalipas na taon. Dito, sinabi niya kung gaano siya ka-proud sa kanyang sarili dahil sa kabila ng lahat ay nanatili itong nakatayo kahit pa marami itong pagkakamali sa nakaraan.
“Dear JM, I’m proud of you. Mahirap man tinahak natin nakatayo ka pa rin. ‘Di nga lang laging tama ang mga desisyon pero alam ko natututo tayo sa mga pagkakamali,” wika niya.
Hangad ng aktor na makamit ang mga pinapangarap nito at pangako niya sa sarili na hinding-hindi niya isusuko ang laban nito.
“Sana maabot natin lahat ng hangad natin. Hindi madali, alam ko. Ilang taon ka na-rehab. Ilang taon ka rin umangat. May mga nasaktan ka, at sana mapatawad ka nila dahil alam kong hindi mo intensyon. Hirap ka man lagi, ako nandito para sa’yo. Hindi kita susukuan,” aniya.
Samantala, hindi naman nito isinasantabi ang kanyang progress at ito ang inspirasyon niya ngayon para lalong magpatuloy, “Dati ang dilim ng tingin mo sa buhay. Nagmahal ka, sumugal, at nasaktan. Ginamot mo sarili mo sa paraan na akala mo tama sa sugat na hatid ng buhay. Pero lumalaban ka pa rin. Masaya.”
“Tuloy-tuloy lang, tol,” bilin niya sa sarili. “Mahal kita.”

Matatandaan na sa isang panayam ng beteranang reporter na si Korina Sanchez sa Rated K, ibinahagi ni JM ang tungkol sa pamamalagi niya sa rehabilitation center.
“Akala ko makakatulong siya sa akin as a person, as an actor, at first, but nong nag-rehab ako nahukay sa akin na I have issues since I was a kid na like I was bullied when I was really young. So wala na akong self-esteem or confidence at that time. Taking drugs gives me power,” aniya.
Sa ngayon ay pinagbubuti pa lalo ni JM ang sarili bilang isang aktor at indibidwal. Gumagawa na rin ito muli ng mga proyekto bilang artista.
