Macoy Dubs ‘nadamay’ sa hiwalayang McCoy-Elisse; inbox at notifs ‘sumabog’ sa dami ng messages

Talagang mainit at pinag-uusapan ngayon ang kontrobersiyal na hiwalayan nina McCoy de Leon at Elisse Joson na ang itinuturong dahilan umano ay isang babaeng Tiktok influencer.

Dahil nga sa sobrang ‘gigil’ ng mga ‘Marites’, pati ang walang kamalay-malay na kapangalan ni McCoy na si Macoy Dubs ay ‘nadamay’ pa sa isyu.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Macoy Dubs (Mark Averilla sa tunay na buhay) na sa dami ng nag-message sa kaniya ay ‘sumabog’ daw ang kaniyang inbox at notifications.

“Good morning. Savog savog notifs and inbox ni watashimbels,” wika ni Macoy sa gay lingo.

“Ba’t akiz ang havs ninyey ng tagaytay eh wai-bels ako ng junakis. Nanyo mga miss! Hahaha! Bakarut mey, was sa kiffy. Pass!” dagdag pa ng komedyanteng content creator.

Ang ibig niyang sabihin ay bakit daw siya ang itinuturong tatay eh wala naman siyang anak, at iba raw ang hilig niya, hindi iyon.

Sa isa pa niyang post ay ibinahagi naman nito ang screenshot ng usapan nila ng isang netizen na nagtanong sa kaniya ng ‘Macoy, hello beh. Totoo bang hiwalay na kayo ni Elisse?’

Diretsahan naman niya itong sinagot at sinabing: “Bakla po ako. Ayaw ko po sa kiffy”.

Patok naman sa netizens ang nakatatawang post ni Macoy Dubs. Ang dalawang magkahiwalay na post niya ay umani na ng nasa mahigit 100K reactions, 1.5K comments at 3.7K shares.

Kuwela rin ang comments section dahil talagang naaliw ang mga netizens sa gay lingo na ginamit ni Macoy.

Narito ang ilan pa sa mga komento:

“So totoo nga. Shout out sa naglakas loob magtanog kay Macoy Dubs at least naliwanagan tayong lahat.”

“Laughtrip to hahahaha. nadadamay talaga ang sibilyan.”

“Bat naman ganun macoy, nagpadala ka sa tukso char hahaha.”

“Ibang level po ang gay lingo, high-faluti ni Google ko pa yung ibang words.”

Samantala, patuloy na pinag-uusapan pa rin ang hiwalayan nina McCoy de Leon at Elisse Joson habang ang iba naman ay naghihintay sa ilalabas na pahayag ni Mary Joy Santiago, ang babaeng influencer na nadadawit sa isyu.

Post a Comment

Previous Post Next Post