Mary Joy Santiago isa nang contract star ng Viva

Isa nang contract artist ng Viva si Mary Joy Santiago; ang babaeng iniuugnay kay McCoy de Leon at itinuturong dahilan ng paghihiwalay nila ni Elisse Joson.

Nitong Huwebes, nagbahagi si Mary Joy sa kaniyang Facebook page ng ilang larawan ng kaniyang contract signing bilang bagong talent ng  Viva Artists Agency (VAA).

“Contract signing Viva Artist. Thank you po Ms. Rhina and Jerico Montemayor,” simpleng caption ng mga larawan.

Nakakuha naman kaagad ng mahigit 12,000 reactions ang post na ito ni Mary Joy habang nasa mahigit 1,100 naman ang nagkomento.

Hati ang mga netizens sa kanilang reaksiyon; mayroong natuwa at nag-congratulate sa kaniya, subalit marami rin ang nangutya at nag-iwan ng ‘di kanais-nais na komento.

May ilan ding nagsabi na ‘insecure’ at naiinggit lamang kay Mary Joy ang mga bashers nito at hindi niya kailangang ipaliwanag ang sarili.

Hindi rin maiwasan ng iba na ungkatin ang diumanoy ‘ugnayan’ nila ni McCoy de Leon kaya tinawag siyang maninira ng pamilya.

Ang iba naman ay humiling na sana ay huwag naman agad husgahan si Mary Joy dahil hindi nila kilala nang lubusan ang tunay na pagkatao nito.

Dedma rin si Mary Joy sa mga negatibong komento sa kaniyang post at hindi niya ito pinapatulan kahit na kung ano-anong masasakit na salita ang ibinabato sa kaniya.

Kilala na si Mary Joy sa mundo ng social media dahil isa siyang Tiktok influencer at content creator. Ang kaniyang Facebook account ay mayroong 369,000 followers habang sa Instagram naman ay mayroon siyang 165,000 followers.

Samantala, hindi pa tuwirang sinasagot ni Mary Joy ang mga tanong kung may relasyon nga ba sila ni McCoy at kung siya ang dahilan kung bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon ng dating Hashtag member at ni Elisse Joson.

Post a Comment

Previous Post Next Post