Matumal raw ang bentahan ng tickets para sa nalalapit na concert ni Multimedia Star Toni Gonzaga na gaganapin ngayong buwan.
Ayon sa ulat ni Regee Bonoan para sa Bandera, mukhang hindi rin papatok sa mga tao ang 20th anniversary concert ni Toni na pinamagatang ‘I Am… Toni’ na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa darating na Enero 20.

Tulad umano ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng All TV host na ‘My Teacher’, posibleng maging ‘flop’ din ang concert na ito ng actress-singer dahil walang gaanong bumibili ng tiket.
Sa katunayan raw, isang staff ng coffee shop sa Araneta Coliseum ang nakapagkuwento sa kanila na dumaan doon noong isang araw si Mommy Pinty Gonzaga para bumili ng 500 na piraso ng tiket.

Hindi nga lang masabi pa kung anong price level ng tiket ang binili ng mommy ni Toni dahil hindi pa ito nare-report sa kaniya ng kaniyang staff.
Sa kabila nito, posible pa naman umano na dagsain ng tao ang concert at bumili ng tiket ang mga tagahanga ni Toni mga dalawa o tatlong araw bago ito ganapin.
Matatandaang tila ‘nilangaw’ din sa takilya ang ‘My Teacher’ na pinagbidahan nina Toni at Joey de Leon.

Batay sa unofficial box office result na nakuha ng isang news outlet, nasa panglimang puwesto lamang ito matapos kumita sa takilya ng nasa P12M; mataas lang nang kaunti sa Nanahimik ang Gabi (P7M), Mamasapano: Now It Can Be Told (P5M) at My Father, Myself (P1.5M).
Hindi naman masabi kung bakit hindi kumita ang ‘My Teacher’ subalit maraming bashers ni Toni ang naniniwalang may kinalaman ito sa sinuportahang kandidato ng aktres noong nakaraang eleksiyon at sa diumano’y pagiging ‘ingrata’ nito sa dati niyang network.

May ilan pa ngang nagsabi na wala naman palang bisa ang tinuran ng kaniyang asawa noon na si Toni ang maituturing na ‘most powerful celebrity’ sa ngayon.
Samantala, ang ticket sa ‘I Am… Toni’ concert ay mabibili sa TicketNet Online at sa Araneta ticket booth at may presyong P10,032 (VIP), P8,976 (Patron A), P7,920 (Patron B), P5,808 (Lower Box), P3,696 (Upper Box), at P898 (General Admission).