Posible ba ang ‘career shift’?
Bagama’t walang background sa pagbe-bake, alam n’yo bang may isang Engineering graduate na nagpatunay na maaari ka palang mag-shift ng focus kahit malayo ito sa iyong tinapos?
Matapos magpalit ng career, si Danica Lynne Casta, 25-anyos, ay isa na ngayong matagumpay na owner ng isang online cake business. Ang kanyang ‘Amberlyns Cake’ ay kumikita na ng six-digit income kada buwan!

“I graduated from MAPUA University, Bachelor of Science in Construction Engineering & Management and I’m now a full time baker. I’m earning six digits a month,” inilahad ni Danica sa isang feature video na ibinahagi ng ‘Philippine Star‘ noong Steyembre 2022.
Nang makaranas ng pagsubok sa usaping pinansyal ang kanyang pamilya noong kasagsagan ng pandemya, napilitan siya isantabi ang kanyang propesyon bilang inhinyero. Naghanap siya ng online job upang makatulong sa pamilya.
“Lockdown tapos kaka-graduate ko. Hindi ko alam kung pa’no ako mag-i-start. ‘Yung naipon ko do’n sa last kong salary, pinangbili ko siya ng oven na maliit. Ginawan ko ng cake ‘yung pamangkin ko and then do’n na nag-start,” isinalaysay niya.
Bagama’t isa lamang siyang beginner, ang kanyang cake business ay mabilis na nakilala dahil sa kanyang bento cakes.
[Siyempre, rumampa rin ang kanilang Valentine’s cakes nitong nagdaang Araw ng mga Puso!]

Bento Cakes for Everyone, Anytime
Ipinagpatuloy niya ang kanyang dedikasyon sa pagkatuto at mas mapabuti pa ang kanyang kaalaman kaya naman hindi nakapagtatakang naabot niya ang mga goals niya. Mula sa mga basic designs, nakagagawa na rin siya ng iba ibang disenyo at uri ng cakes.
Mula sa isang order lamang, mahigit 1,000 orders na kada buwan ang kanyang natatanggap; lalo’t higit ngayon 2023. Marami na rin siyang empleyado na katuwang sa kanyang negosyo.
Nagpapasalamat siya sa mga media features at sa mga celebrity na nag-eendorso sa kanyang mga produkto at sa lahat ng kanyang mga customers.

Sa kabila ng kanyang tinatamasang tagumpay, hindi pa naman umano nawawaglit ang kanyang pangarap kaugnay sa kanyang pagiging engineer.
“For all na gustong mag-pursue ng dreams nila na malayo sa course nila, kung passion mo talaga ‘yung ginagawa mo, kung gusto mo talaga, push mo lang ‘yon. Mas prefer ko talaga passion, kung hindi mo love ‘yung ginagawa mo, ilulugmok mo lang ‘yung sarili mo do’n sa work mo na ‘di ka naman masaya,” mensahe niya sa iba.
Para mas lalo kang ma-inspire, panoorin ang feature mula sa Philippine Star at bisitahin ang Facebook page ng Amberlyns Cake para sa mga nakatatakam nilang cakes. Baka ikaw na ang susunod na oorder?