Hindi naman kaila sa halos lahat ng nakasubaybay sa showbiz couple na sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo kung gaano katindi ang mga pagsubok na hinarap ng kanilang relasyon hanggang sa sila ay nagpakasal tatlong taon na ang nakalilipas.
Hindi naitago ni Matteo Guidecilli ang kanyang paghanga sa mga taong ipinaglaban ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng lahat at kabilang na rito ang sarili niyang asawa.
Kaya naman sa pagtuntong nila sa kanilang ikatlong anibersaryo ng kasal (Pebrero 20), inihayag muli ni Matteo ang kanyang pagmamahal sa pinakamamahal na misis.
Aniya sa isang Instagram post, “To the love of my life, HAPPY 3 years of marriage!” [May diin sa HAPPY, take note.]
“Looking forward to many more travels, laughs, adventures, food trips, road trips and just experiencing life with you! Thank you for being you! Thank you for the love and care,” dagdag pa niya at sinamahan ito ng compilation video nila na magkasama sa iba’t ibang lugar.
Larawan sila ng masaya at nagmamahalan talagang couple kaya naman patuloy silang nakatatanggap ng suporta mula sa kanilang mga tagahanga.
Bumuhos ang napakaraming pagbati mula sa kanilang followers at mga kasamahan sa showbiz industry para sa kanilang anibersaryo.

Basahin: Matteo hanga sa kaniyang misis na si Sarah G: ‘She went against all odds for me’
Naging kontrobersiyal ang kasal nina Matteo at Sarah noong 2020 dahil sa pagtutol ng magulang ng Popstar Princess dito. Napaulat pa nga na sinubukang pigilan ni Mommy Divine ang kanilang pag-iisang dibdib na siyang naging ugat ng kanilang tampuhan hanggang sa ngayon.
Sa segment ng isang programa, naglabas ng kaniyang saloobin si Matteo hinggil sa pinagdaanan ng ibang couples, kabilang na ang pagtutol sa kanilang relasyon ng mga magulang ng lalaki man o babae.

“That’s the beauty of love. Sa pag-ibig, mari-realize natin na hindi tayo perfect as an individual. Pero kapag dumating ang tao na talagang swak sa ‘yo — parang puzzle ang pag-ibig, eh — dapat magtulungan kayo para maging buo at maging isa kayo. I really put so much respect on people who (go) against all odds, who are so brave,” ibinahagi noon ng aktor.
Dagdag pa niya, “I’d like to also give it up to my wife, that she went against all odds for me. At the end of the day, love is the decision of two individuals, not about the people in the family or the people around them anymore. It’s about you and your partner.”
